Ang Philippine National Police (PNP) ay handa na para sa pagbubukas ng klase ngayong taon. Ayon kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre, nakikipag-ugnayan na sila sa mga school heads upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante.
Sa Metro Manila, inatasan ang mga district directors at station commanders na magsagawa ng inspeksyon. Sa ibang lugar, naka-alerto na rin ang mga regional at provincial directors, pati na ang mga chiefs of police para magbigay ng seguridad sa mga paaralan.
Ipinahayag ni Gen. Torre na maaaring gamitin ang 911 hotline para i-report ang bullying sa loob at labas ng eskwelahan. Sa ilalim ng kanilang 5-minute response time program, darating ang mga pulis agad sa tawag ng tulong. “Dial 911, darating kami sa loob ng limang minuto,” sabi niya.
Hindi na kailangang pumunta sa presinto. Ayon kay Torre, sapat na ang isang tawag sa 911 kung may insidente ng pambubully. Dagdag niya, hindi lang sa school nangyayari ang bullying, kaya’t importanteng may mabilis na sagot ang awtoridad.
Ngayong June 16, higit 37,000 pulis ang dineploy sa 45,974 schools sa buong bansa. Nakibahagi rin ang libo-libong volunteers sa Brigada Eskwela upang masigurong handa ang mga paaralan sa pagbubukas ng klase.