
Ang pag-aalala ng mga Pilipino sa fake news online ay umabot sa all-time high na 67% ngayong 2025, ayon sa ulat ng Reuters Institute Digital News Report. Tumaas ito mula 63% noong 2024 at 57% noong 2020. Ang ulat ay inilabas kasabay ng mainit na political issues tulad ng impeachment ni VP Sara Duterte at pagkaka-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinakamataas ang pag-aalala sa mga kababaihan (70%), senior citizens (76%), at mga may mataas na kita at edukasyon. Tingin ng karamihan (55%) na mga pulitiko ang pangunahing pinagmumulan ng disinformation, kasunod ang online influencers (48%) at aktibista (38%). Ang Facebook (68%) ang pinaka-karaniwang pinanggagalingan ng fake news, mas mataas kumpara sa TikTok (48%) at YouTube (39%).
Gumagamit ang maraming Pilipino ng iba't ibang paraan para i-verify ang impormasyon. Mas pinipili nilang tingnan ang mga opisyal na website ng gobyerno (40%) kaysa sa news outlets (37%). Tinatangkilik rin ang mga fact-checking sites (34%), mas mataas sa global average. Kabilang sa mga ginagamit ngayon ay AI chatbots tulad ng ChatGPT, lalo na ng mga kabataan.
Mas gusto ng mga Pilipino ang balitang may halong AI at human writing kaysa sa pure AI-generated news. Mahigit 35% ang komportable sa mga balitang ginawa ng tao pero may tulong ng AI. Ngunit, mas maraming tao ang interesado sa AI features gaya ng summarized news, translation, at story recommendations.
Nanatiling matibay ang interes ng mga Pilipino sa news videos. Mas pinapanood ang balita (51%) kaysa binabasa (29%) o pinakikinggan (13%). Facebook at YouTube pa rin ang pangunahing pinanggagalingan ng balita. Bagama’t bumaba ang tiwala sa ilang media brands, hiniling ng marami ang mas tapat, malinaw, at patas na pag-uulat para muling makuha ang tiwala ng publiko.
5jo9s2
srp5p6
xwr7uj