
Ang isang estudyante sa Iloilo ay na-trauma matapos siyang mapahiya at halos hindi makasali sa kanilang graduation ceremony dahil lang sa kanyang black shoes. Ayon sa Facebook post ng estudyanteng nagngangalang “Cybelle,” ilang beses daw siyang sinita ng mga guro dahil hindi umano pasok sa standard ng sapatos ang kanyang suot.
Sabi niya, ang sapatos na suot niya ay isang black Parisian close shoes na nabili niya ng P400 sa sale. Iyon lang daw ang kaya niyang bilhin mula sa sarili niyang ipon. Excited pa raw siya noon dahil first time niyang makabili ng branded shoes gamit ang sarili niyang pera.
Sa araw ng graduation, pinigilan daw siya ng mga faculty at marshal na pumasok sa venue dahil may strap daw ang sapatos at hindi daw ito plain black. Tinanggal na niya ang strap, pero hindi pa rin siya pinayagan. Wala raw siyang pamalit o extra pera para bumili ng bago.
Umiiyak na lang daw siya habang naghahanap ng malalapitan. Sa huli, nanghiram siya ng sapatos sa kaklase para lang makakyat sa stage. Pero kahit nakatanggap ng diploma, pakiramdam daw niya ay nasira na ang kanyang buong karanasan sa graduation. Ang dahilan? Sapatos lang.