
Ang “How to Train Your Dragon”, isang live-action version ng kilalang animated film noong 2010, ay nanguna sa North America box office matapos kumita ng $83.7 milyon sa unang weekend. Tampok dito si Mason Thames bilang Hiccup, isang batang Viking na nakipagkaibigan sa dragon na si Toothless. Ayon sa mga eksperto, isa itong napakagandang simula para sa isang remake ng animated film.
Sunod sa listahan ang “Lilo & Stitch” ng Disney na kumita ng $15.5 milyon. Sa ngayon, halos $860 milyon na ang kinita nito sa buong mundo. Ang kwento ay tungkol kay Lilo, isang batang babae sa Hawaii, at sa kanyang kakaibang kaibigang alien na si Stitch.
Pangatlo naman ang bagong rom-com mula sa A24 na pinamagatang “Materialists”, na pinagbibidahan nina Dakota Johnson, Pedro Pascal, at Chris Evans. Kumita ito ng $12 milyon, at tinawag itong perpektong “pang-adult” na pelikula ngayong summer.
Pumuwesto sa ikaapat ang “Mission: Impossible – The Final Reckoning”, na pinagbibidahan ni Tom Cruise, na may dagdag na $10.3 milyon sa kita. Umabot na ito sa $500 milyon sa buong mundo.
Panglima ang “Ballerina”, isang spin-off ng John Wick na ginampanan ni Ana de Armas bilang isang dancer na naging assassin. Nakasama rin dito sina Anjelica Huston at si Keanu Reeves na bumalik bilang Wick. Kumita ito ng $9.4 milyon.