Ang San Francisco High School sa Barangay Santo Cristo, Quezon City ay tinupok ng apoy isang araw bago ang klase. Ayon sa Bureau of Fire Protection, ang dalawang palapag na gusali ay gawa sa kahoy kaya mabilis kumalat ang apoy. Umabot ito sa third alarm sa loob lamang ng 15 minuto. Walang nasaktan, ngunit 20 classrooms, faculty offices, at library ang lubhang nasira.
Nasaktan ang mga guro matapos makita ang naiwang abo ng kanilang opisina at gamit. Ayon kay Christian Tanggin ng Filipino Department, “Sunog lahat, pati mga division ng rooms, wala na po lahat.” Halos P3 milyon ang tinatayang pinsala, kabilang ang 400 silya, libo-libong libro, at computers.
Apektado ang mahigit 600 estudyante sa 8 silid-aralan sa ikalawang palapag. Pansamantalang ililipat ang mga klase sa ibang gusali habang inaayos ang schedule sa senior high school. Ayon kay Principal Dr. Marissa Rodriguez, magkakaroon muna ng assembly at flag ceremony sa covered court, bago i-relocate ang mga estudyante sa DepEd A building.
Nagbigay ng tulong ang DepEd sa pamamagitan ng Quick Response Fund para sa agarang pag-aayos ng pasilidad. Dumalaw rin si QC First District Rep. Arjo Atayde at nangakong magbibigay ng suporta mula sa kanyang opisina at sa lokal na pamahalaan. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng BFP sa sanhi ng sunog.