
Ang bayan ng Calatagan sa Batangas ay nagdeklara ng araw ng pagluluksa ngayong Huwebes, Hunyo 5, bilang pakikiisa sa pagkamatay ng tatlong residente nila na sina Jhon Luis Olarte, 23; Gerry Ortega, 32; at Ronald Alumno, 37. Natagpuan ang kanilang mga bangkay noong Mayo 30 sa isang mababaw na hukay sa rubber plantation sa Barangay Nabundas, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur. Nawawala sila mula pa noong Mayo 11.
May mga tali ang kamay ng mga biktima at nakapiring ang mata, at tinadtad ng bala ang katawan. Ayon sa pamilya, hindi sila ang nagbenta ng kambing kundi sila ay tagahatid lamang ng mga hybrid goat na nagkakahalaga ng ₱1 milyon.
Daan-daang residente ang sumalubong sa labi ng tatlo nang dumating ito sa Calatagan mula Villamor Airbase sa Pasay City. Nagpahayag ng galit at panawagan ng hustisya ang mga mamamayan, lalo na’t nawala ang kontak sa tatlo matapos ang huling tawag ni Jhon Luis na sila'y papunta na sa buyer.
Ipinahayag ng pamilya ni Jhon Luis na sana ay dinggin ng Pangulo ang kanilang panawagan para sa hustisya. Wala pa ring suspek hanggang ngayon at nawawala rin ang van na ginamit ng mga biktima. Ayon sa pulisya ng Bangsamoro Region, wala pang matibay na lead ang imbestigasyon.