Ang $400 million na defamation case ni Justin Baldoni laban kay Blake Lively ay ibinasura ng isang federal judge sa New York. Sinabi ni Judge Lewis Liman na protektado sa batas ang reklamo ni Lively sa California Civil Rights Department tungkol sa umano’y sexual harassment habang ginagawa ang pelikulang "It Ends With Us."
Ibinasura rin ang $250 million kaso ni Baldoni laban sa New York Times na nagsulat ng isang artikulo ukol sa isyu. Ayon sa huwes, walang sapat na factual basis ang alegasyon na may sabwatan para sirain si Baldoni sa publiko.
Naglabas ng pahayag ang abogado ni Lively, na tinawag itong “kumpletong tagumpay” at “paglilinis ng pangalan” ng aktres. Sa kabilang banda, hindi agad nagbigay ng komento ang panig ni Baldoni.
Habang ibinasura ang kaso niya, tuloy pa rin ang sariling kaso ni Lively laban kay Baldoni. Nakatakda ang trial sa Marso 2026, kung saan humihingi si Lively ng danyos.
Sa desisyon, sinabi ng huwes na kulang sa ebidensya ang paratang ni Baldoni na may sabwatan sina Lively, Ryan Reynolds (asawa ni Lively), at ang kanilang publicist para siraan siya. Dagdag pa rito, pinuri rin ng korte ang malayang pamamahayag ng New York Times.