Ang isang ama ay naaresto sa Caloocan matapos siyang akusahan ng panggagahasa sa sarili niyang anak. Kasama siya sa listahan ng Most Wanted Persons ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Nahuli siya ng mga pulis sa isang eskinita sa Barangay 178, ayon kay Police Lt. Col. Alain Licdan ng Northern Police District (NPD).
Nagsimula ang imbestigasyon nang mahuli ang biktima na nakikipagtalik sa kapwa bata. Nang tanungin ng guro at tinawag ang kanyang ina, doon ibinunyag ng bata na matagal na siyang inaabuso ng kanyang mga tiyuhin at mismong ama. Dahil sa takot, hindi agad ito nakapagsumbong.
Ayon sa imbestigasyon, tuwing bumibisita ang bata sa bahay ng kanyang lola sa Caloocan, doon siya inaabuso ng kanyang mga kamag-anak habang nasa palengke ang kanyang tita. Tatlong kamag-anak ang sangkot—ang ama at dalawang tiyuhin. Ang isa sa mga tiyuhin ay nakakulong na, habang ang isa ay nakalaya matapos magpiyansa.
Nahuli ang ama sa tulong ng impormante. Lumalabas na nagtatago ito sa Maynila at madalas nagpapalit ng trabaho. Umuuwing minsan lang kada buwan sa bahay ng kanyang ina sa Caloocan. Mariin naman niyang itinatanggi ang mga paratang.
Kakasuhan siya ng rape, acts of lasciviousness, at sexual abuse. Sa ngayon, nasa kustodiya siya ng NPD-DSOU sa Caloocan habang hinihintay ang proseso ng korte.