Ang isang 9-taong-gulang na bata mula Barangay Pantoc, San Isidro, Abra ay nasawi matapos makuryente habang naglalaro sa ulan kasama ang kaniyang mga kaibigan nitong Lunes ng hapon.
Ayon sa paunang ulat ng pulisya, bigla na lang bumagsak ang isang high-tension wire ng Abra Electric Cooperative (ABRECO) at tumama sa paanan ng bata. Isinugod siya sa Villaviciosa Medicare and Community Hospital ngunit idinaklarang dead on arrival.
Ayon sa ina ng bata na si Reychel, matagal na umanong nirereklamo ng mga residente ang sirang kawad, pero walang naging aksyon. “Marami na pong nagsabi noon pa, pero tsaka lang inayos nung may nangyari na,” sabi niya.
Sa pahayag ng ABRECO, wala raw silang natanggap na report tungkol sa nasabing linya bago ang insidente. Giit nila, isa itong “unforeseen event” na nangyari lamang nitong June 2, 2025.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang nananawagan ang mga residente ng mas maingat na inspeksyon sa mga linya ng kuryente upang maiwasan ang kaparehong insidente sa hinaharap.