
Ang Electronic Arts (EA) ay kinansela na ang inaabangang Black Panther video game matapos nilang isara ang Cliffhanger Games — ang studio na naka-focus sa paggawa ng laro. Inanunsyo ito kasabay ng patuloy na pagbabago sa direksyon ng kumpanya.
Ang laro ay unang ipinakilala noong 2023 at planong gawing isang single-player, open-world action-adventure game na magaganap sa mundo ng Wakanda. Ang Cliffhanger Games, isang studio na nakabase sa Seattle, ay binuo ng mga beteranong developer para sa proyektong ito. Ngunit simula noong unang anunsyo, kakaunti lang ang naging update sa development nito.
Ayon sa email mula kay Laura Miele, presidente ng EA Entertainment, bahagi raw ito ng plano ng EA na mag-focus sa mga mas malalaking oportunidad sa negosyo at mga kilalang franchise gaya ng Battlefield, The Sims, Skate, at Apex Legends. Dahil dito, lumalayo na rin sila sa ilang licensed IP tulad ng Black Panther.
Sa kabila ng pagkansela sa larong ito, tuloy pa rin ang partnership ng EA at Marvel. Patuloy pa ring ginagawa ng Motive Studios ang Iron Man game, at posible pang mag-lead ng iba pang Marvel projects sa hinaharap. Isa ito sa maraming layoffs at project cancellations sa gaming industry ngayong 2025.