
Ang isang cargo ship na may sakay na 24 tripulante, kabilang ang mga Pilipino, ay lumubog sa karagatan ng Kerala, India. Ayon sa ulat ng Indian Navy, ang barkong may bandila ng Liberia ay may delikadong kargamento, tulad ng mga kemikal. Ligtas namang nasagip ang lahat ng sakay mula sa iba’t ibang bansa gaya ng Georgia, Russia, Ukraine, at Pilipinas.
Ayon sa ulat, ang MSC ELSA 3, na may haba na 184 metro, ay nagpadala ng distress signal habang papunta mula Vizhinjam patungong Kochi. Natagpuan ito 38 nautical miles mula sa Kochi at lumulutang sa delikadong posisyon. May sakay itong 640 containers, kabilang ang 13 hazardous containers at 12 lalagyan ng calcium carbide—isang kemikal na ginagamit sa abono at paggawa ng bakal.
Bukod pa dito, may karga rin itong humigit-kumulang 370 toneladang langis at fuel. Sa ngayon, walang ulat ng oil spill, ayon sa Indian Coast Guard, pero nakahanda sila kung sakaling may banta sa kalikasan. Patuloy ang pagbabantay upang maiwasan ang posibleng polusyon sa karagatan ng Kerala.