Ang trahedya ay naganap noong Martes sa Barangay Balangibang, Polangui, Albay kung saan nasawi ang dalawang driver matapos magsalpukan ang isang pampasaherong bus at isang truck na may kargang yelo.
Batay sa imbestigasyon, binabaybay ng Hino truck ang Maharlika Highway papuntang Legazpi City bandang alas-5:50 ng hapon nang sumabog ang unahang gulong nito. Nawalan ng kontrol ang truck at tuluyang bumangga sa Bobis Liner, isang bus na pa-Maynila na may sakay na mahigit 50 pasahero.
Sa lakas ng salpukan, parehong nasawi ang mga driver. Kinilala ang bus driver na si Benedict Onrobia ng Barangay Canaway, Malilipot, Albay. Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng truck driver.
Labinlimang pasahero ng bus ang nagtamo ng malubhang sugat at agad dinala sa Jose B. Duran Albay Provincial Hospital sa Ligao City. Samantala, ang iba pang pasahero ay nabigyan ng paunang lunas at pinauwi na rin.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang malaman ang buong detalye ng insidente.