
Ang 5.58 milyong high school graduates ay may kakulangan sa kakayahang umunawa, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA). Bagamat marunong silang magbasa, magsulat, at magkwenta, hirap silang umintindi ng binabasa—isang katangian ng pagiging “functionally illiterate.”
Noong una, naiulat na 18.9 milyong Pilipino ang kabilang sa ganitong kategorya. Pero nilinaw ng PSA na ang bilang na iyon ay tumutukoy sa mga "basically literate" o yung marunong lang magbasa, magsulat at magkwenta, hindi sa mga high school graduates na kulang sa comprehension.
Base sa Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS) ng 2024, sinabi ng PSA na 5.58M na high school graduates, kabilang na ang junior high school completers, na may edad 10 hanggang 64, ang marunong bumasa pero kulang sa kakayahang umunawa ng teksto.
Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, isa ito sa mga dahilan kung bakit mataas ang antas ng kahirapan sa maraming probinsya. Tinaya rin niya na may 24.82M na Pilipino sa parehong age group ang itinuturing na functionally illiterate, habang may 5.86M na ganap na hindi marunong magbasa, magsulat, at magkwenta.
Nagbago na rin daw ang depinisyon ng functional literacy ayon sa pinakahuling survey ng PSA, kaya mas naipapakita ngayon ang lawak ng problema sa edukasyon ng bansa.