
Ang pagsabog sa isang fertility clinic sa Palm Springs, California nitong Sabado ay kinumpirma ng FBI bilang isang “intentional act of terrorism.” Ayon kay Akil Davis, hepe ng FBI sa Los Angeles, ito raw ang isa sa pinakamalaking bombing investigations sa Southern California.
Ayon sa mga saksi, isang sasakyan ang sumabog malapit sa American Reproductive Centers. Isa ang kumpirmadong nasawi, habang apat ang nasugatan. Lumipad ang debris sa layo na mahigit 180 metro, at ilang bubong ng kalapit na gusali ay napinsala rin.
Sinabi ng alkalde ng Palm Springs na ang pagsabog ay nagmula sa isang sasakyang nakaparada malapit sa gusali. Walang nasaktang staff, at ligtas pa rin ang mga itlog, embryo, at reproductive materials ng klinika.
Naglabas ng pahayag si US Attorney General Pam Bondi, na tinawag ang insidente na "unforgivable" at tiniyak na gumagawa ng hakbang ang pamahalaan. Dagdag pa niya, "Ang mga kababaihan at ina ang puso ng Amerika."
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, patuloy ring pinoprotektahan ng FBI ang pagkakakilanlan ng namatay. Hindi pa rin malinaw kung ang nasawi ay suspek sa insidente, ayon sa ilang ulat.