Ang isang trahedya ang yumanig sa Barangay San Vicente, Sta. Maria, Bulacan matapos masawi ang isang 28-anyos na ina at ang kanyang tatlong anak na lalaki na may edad 1, 3, at 6. Naganap ang sunog noong umaga ng Mayo 15, habang wala sa bahay ang padre de pamilya na nasa trabaho sa Batangas.
Ayon sa mga kapitbahay, nakita pa nilang lumabas ang ina bago tuluyang lumaki ang apoy. Tumugon agad ang mga residente sa pamamagitan ng pagbuhos ng tubig at pagsira sa lock ng pinto para makapasok. Isa sa mga rumesponde ang nagsabing buhay pa ang isa sa mga bata noong nakita niya ito, ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay sa ospital kasama ang ina at dalawa pang anak.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, may natagpuang posporo at dalawang bote ng paint thinner sa loob ng bahay. Ayon sa mga awtoridad, mukhang ang tao ang unang pinagmulan ng apoy at hindi ang bahay mismo.
Dagdag pa ni Kapitan Potenciano Lorenzo, dumulog pa ang ina sa barangay hall ilang oras bago ang insidente upang ipa-blotter ang alitan nila ng asawa. Hindi na umano natuloy ang planong paghaharap ng mag-asawa dahil sa nangyaring sunog kinabukasan.
Patuloy pa ang imbestigasyon upang malaman ang tunay na sanhi ng insidente. Sa ngayon, nananatiling tahimik ang ama ng pamilya sa kabila ng sinapit ng kanyang mag-iina.