
Ang korte sa Angeles, Pampanga ay naglabas ng arrest warrant laban kay Harry Roque at 10 iba pa dahil sa umano’y human trafficking sa isang POGO hub sa Porac. Isa rin sa pinangalanan ay si Cassandra Ong, kinatawan umano ng Lucky South 99.
May 8 nang pirmahan ni RTC Judge Rene Reyes ang warrant matapos matagpuang may probable cause sa ilalim ng Anti-Trafficking in Persons Act of 2003. Ang mga kaso ay non-bailable, ibig sabihin, hindi sila puwedeng magpiyansa.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), may kaugnayan umano si Roque sa operasyon ng POGO hub — hindi lang bilang abogado ng Whirlwind Corporation na nagpaupa ng lupa, kundi bilang kinatawan mismo ng kumpanya.
Umalis si Roque sa bansa noong Setyembre matapos siyang sitahin ng Kongreso sa pagtanggi niyang humarap sa pagdinig ukol sa illegal POGO activities. Nasa Netherlands siya ngayon at humingi ng asylum, dahil umano sa political persecution.
Plano ng DOJ na i-block ang kanyang asylum request at ipalagay siya sa Interpol red notice para madakip sa ibang bansa. Ayon kay Undersecretary Nicholas Ty, ito ang susunod na hakbang kapag aktibo na ang warrant.