
Ang 11 katao, kabilang ang ilang dayuhan, ay nahuli sa Mactan-Cebu International Airport nitong Biyernes ng gabi matapos tangkaing magdala ng halos ₱500 milyon na pera. Ayon kay PBGen. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, dumating ang grupo sa paliparan bitbit ang maraming maleta at balak sanang lumipad papuntang Maynila gamit ang pribadong eroplano.
Unang idineklara na tatlong maleta lang ang dala nila, pero nang dumaan sa x-ray, lumabas na pito ang maleta at nakita ang mga imahe na kahawig ng pera. Nang buksan ng PNP Aviation Security Group, tumambad ang malaking halaga ng salapi na umabot sa ₱441.9 milyon, $168,730, at 1,000 Hong Kong dollars.
Ang mga suspek ay kinabibilangan ng 6 Chinese, 1 Malaysian, 1 Indonesian, 1 Kazakhstani, at 2 Pilipino. Tumanggi silang magsabi kung saan galing ang pera, pero makalipas ang ilang oras, may isang dumating at nagpakita ng certification mula sa isang casino sa Cebu, sinasabing ang pera ay pag-aari ng White Horse junket operator.
Napansin ng mga awtoridad na ang White Horse ay isa sa dalawang junket operators na dati nang naiuugnay sa ransom money sa kaso ni Anson Que. Ayon kay Fajardo, kahina-hinala ang pagdadala ng malaking pera, lalo’t ilang araw na lang bago ang halalan, at puro dayuhan ang may hawak nito.
Mahaharap ang grupo sa paglabag sa COMELEC rules tungkol sa pagdadala ng malaking halaga ng pera ngayong election period. Iniimbestigahan din ng PNP ang posibleng money laundering at immigration violations, matapos madiskubreng may dalang pekeng lisensya, arrest warrant, at Interpol red notice ang ilan sa mga nahuli.