
Ang isang magsasaka na nagpapahinga sa tubuhan sa Batangas ay nasagasaan ng kotse na tumakas mula sa checkpoint noong Sabado ng hapon. Ayon sa pulisya, sinubukang parahin ang pulang kotse sa checkpoint sa Barangay Ilog, Taal, ngunit agad itong umatras at tumakas nang makita ng mga pulis ang baril sa loob.
Habang tumatakas, muntik pang masagasaan ng driver ang dalawang pulis. Tumuloy ito sa provincial road ng Barangay Muzon, Sta. Teresita, at nabunggo ang dalawang sasakyan sa daan. Kalaunan, pumasok ang kotse sa tubuhan sa Barangay Irukan kung saan niya nasagasaan ang magsasaka na nagpapahinga sa ilalim ng mga tubo.
Pagkatapos ng aksidente, tumakbo palayo ang suspek at iniwan ang sasakyan sa pinangyarihan ng insidente. Sa pagsisiyasat ng pulisya, nakita sa loob ng kotse ang 85 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P578,000.
Nakita rin sa loob ng kotse ang .45 na submachine gun, magnum 357 revolver, at ilang bala. Ayon sa pulisya, ang suspek ay residente ng Barangay Pansol, Taal. Patuloy ang hot pursuit operation para mahanap siya.