
Ang sunud-sunod na aksidente sa kalsada nitong mga nakaraang araw ay ikinabahala ni Senador Raffy Tulfo, Chairman ng Senate Committee on Public Services. Isa sa mga insidente ay naganap noong May 1, kung saan 10 katao ang namatay at 37 ang nasugatan matapos ang isang karambola sa SCTEX Toll Plaza. Ang sanhi umano ng insidente ay ang pagkatulog ng driver ng Pangasinan Solid North Transit Inc.
Makalipas lang ng ilang araw, dalawang katao ang nasawi matapos salpukin ng isang SUV ang departure area ng NAIA Terminal 1 sa Pasay City. Ayon sa ulat, nataranta ang driver at imbes na tapakan ang preno ay silinyador ang naapakan.
Ayon kay Senador Tulfo, kahit sinasabi ng marami na ang aksidente ay 'di sinasadya, ito raw ay maaaring maiwasan. Pinuna niya ang kaso ng bus driver sa SCTEX at hiniling na imbestigahan kung ito ay pagod o sobra sa oras sa trabaho.
Dagdag pa ng senador, dapat higpitan ng LTO ang screening ng mga drivers bago bigyan ng lisensya. Dapat tiyakin na ang mga ito ay may tamang driving skills at mentally handa, upang maiwasan ang mga insidenteng katulad ng nangyari sa NAIA.
Senador Tulfo ay nananawagan ng mas mahigpit na batas at pagsunod dito upang maprotektahan ang mga tao laban sa mga trahedyang tulad nito.