
Ang pamilya ng 4-taong gulang na si Malia Kates Yuchen Gayeta Masongsong ay labis na nagdadalamhati matapos pumanaw siya sa isang aksidente sa NAIA noong May 4, 2025. Ayon kay Donna, tiyahin ng bata, ang ama ni Malia, si Danmark Soriano Masongsong, ay sobrang tuliro pa at nahirapan makipag-usap, habang hindi rin makakain at patuloy na umiiyak.
“Ang father sobrang tuliro pa din, hindi makausap nang maayos. Ayaw din kumain. Iyak pa din ng iyak,” ani Donna. Idinagdag pa niyang ang ina ni Malia ay naoperahan na dahil sa internal bleeding sa spleen at patuloy na nasa critical condition. Dahil dito, hindi pa nila kayang sabihin na wala na si Malia.
Si Malia ay isang only child, kilala siya bilang isang masayahing bata, bubbly, at very sweet sa kanyang mga magulang. Mahilig din siya magbihis at daddy’s girl. Ang kanyang ama, si Danmark, ay nagtatrabaho sa Czech Republic bilang assembly line operator.
Ang pamilya ay naghintay na gumaling ang mga sugatang kamag-anak at sinusuportahan ang magulang ni Malia. Ayon pa kay Donna, patuloy ang tulong na ibinibigay ng New NAIA Infra Corp. President Ramon Ang sa kanilang pamilya sa panahon ng kanilang pinakamatinding pagsubok.
Sa ngayon, ang burol ni Malia ay ginaganap sa kanilang hometown sa Lipa, Batangas.