
Ang isang hinihinalang NPA member ay napatay habang isang sundalo ang sugatan sa engkuwentro sa Barangay Humay-humay, Guihulngan, Negros Oriental noong umaga ng Mayo 1, 2025.
Ayon kay Police Lt. Jerome de Lara, deputy chief ng Guihulngan City Police, natagpuan ang bangkay ng rebelde sa clearing operation matapos ang palitan ng putok. Nakuha rin sa lugar ang M16 rifle, bala, mga personal na gamit, at ilang dokumento.
Ang sugatang sundalo mula sa Philippine Army ay agad isinugod sa ospital para sa gamutan. Hindi pa ito pinapangalanan habang inaalam ang kanyang kalagayan.
Dahil sa putukan, lumikas ang ilang residente sa mas ligtas na lugar. Tinutulungan sila ngayon ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) para matukoy ang bilang ng mga apektadong pamilya.
Patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa lugar para masigurong ligtas ang mga sibilyan habang nagpapatuloy ang operasyon laban sa mga rebelde.