Ang mga residente ng Pasig City ay makakaasa ng bagong klase ng serbisyo sa ospital kung saan wala nang babayaran ang mga pasyente. Ayon kay mayoralty candidate Sarah Discaya, kayang pondohan ng lungsod ang Zero Billing Program dahil sapat ang income ng Pasig.
Pahayag ni Ate Sarah, “Pangarap ko ang isang ospital na walang cashier — kung saan pwedeng ma-admit ang pasyente, bigyan ng gamot, alagaan ng mga doktor at nurse, at pauwiin na walang iniisip na bayarin. City Hall na ang sasagot.”
Kapag nanalo siya sa halalan sa May 12, agad niyang ipapatayo ang isang modernong 11-palapag na ospital sa ilalim ng proyektong Smart Hospital ng kanyang Team Sarah. Target nito ang libreng gamutan at high-tech na pasilidad para sa lahat.
Dagdag pa ni Discaya, “Ang karapatan sa buhay at kalusugan ay para sa lahat — mayaman man o mahirap. Dito sa Pasig, gusto kong maramdaman ng bawat isa na may serbisyong tapat, hindi naniningil.”
Sinabi rin niyang kailangan na talaga ng bagong ospital dahil lumalaki na ang populasyon ng lungsod pero wala pang bagong naipapatayo. Kaya sa Smart Hospital plan, may kumpletong kagamitan, dalubhasang doktor, at sapat na gamot para sa mga Pasigueño.