
Ang mga labi ng 28-anyos na lalaki at 5-anyos na batang babae na nasawi sa aksidente sa NAIA Terminal 1 ay ibinyahe na patungong Bulacan at Batangas nitong Linggo ng umaga, May 4, 2025.
Inayos muna ang mga labi sa Veronica Funeral Home sa Pasay City bago ito dalhin sa kani-kanilang probinsya. Ang batang babae ay ihinatid lang sana ang tatay niya sa airport, na babiyahe papuntang Czech Republic para magtrabaho, nang mangyari ang malagim na aksidente.
Tumulong ang OWWA sa pag-asikaso ng labi ng bata, dahil parehong OFW ang magulang niya. Ayon sa pamilya, naoperahan sa tiyan ang nanay ng bata at patuloy na nagpapagaling kasama ang biyenan na kasama rin sa mga nasaktan. Tumanggi muna ang pamilya na humarap sa media.
Nakaburol na sa Hagonoy, Bulacan ang lalaki. Samantala, ngayong Lunes, May 5, ilalabas ang resulta ng medical test ng 47-anyos na driver ng SUV na nakabangga. Kasama rito ang alcohol at drug test.
Nasa kustodiya na ng NAIA Police ang driver at posibleng maharap sa kasong reckless imprudence na nagresulta sa 2 counts ng homicide, multiple injuries, at damage to property. Isasailalim siya sa inquest sa Pasay Prosecutor’s Office.