
Ang pagmamahal sa maling tao ay parang bahay na may multo—hindi mo alam may mali, hanggang may magsabi na mali pala. Akala mo normal na ang mga bulong sa dingding, pero totoo pala, matagal ka nang hindi ligtas sa lugar na ‘yon.
Minsan, parang nagbabasa ka sa dilim. Sa tuwing may makita kang linya na parang tahanan, bigla na lang nawawala ang ilaw. Tapos, uupo ka na lang, bukas ang puso, bukas ang libro, iniisip, "Baka kung pilitin ko pa, makita ko pa rin ang kwento na gusto kong paniwalaan."
Pero ang tunay na pagmamahal, hindi ka pinapapikit o pinapahirapan. Hindi mo kailangan mag-adjust sa dilim para lang maramdaman ito.
At kahit ganon, nanatili ako. Sa mga tawag na hindi sinagot, sa mga sorry na walang laman, sa mga panahong parang laro ang pagmamahal. Nanatili ako kasi marunong silang gawing parang pangako ang katahimikan.