Ang isang 33-anyos na babae ay naharang sa NAIA Terminal 3 ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) matapos niyang subukang lumabas ng bansa gamit ang pekeng marriage certificate. Plano sana ng babae na pumunta ng Nigeria kunwari para bisitahin ang Nigerian “asawa” niya, pero nahuli agad na fake ang dokumento at walang totoong kasal.
Nang tanungin siya, umamin ang babae na ang tunay na balak niya ay magtrabaho bilang yaya sa Nigeria, kapalit ng sahod na P35,000 kada buwan. Nakuha raw niya ang pekeng papeles mula sa isang online agent na nag-aalok ng shortcut na paraan.
Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, tuloy-tuloy ang kanilang kampanya laban sa illegal recruitment at human trafficking para maprotektahan ang mga Pinoy na gustong magtrabaho sa ibang bansa. Pinaalalahanan din ang publiko na magdoble-ingat sa mga scam online.