
Ang mga tropa ng gobyerno ay matagumpay na nagtayo ng bandila ng Pilipinas sa Sandy Cay malapit sa Pagasa Island sa West Philippine Sea (WPS). Nangyari ito noong April 27 sa pamamagitan ng inter-agency maritime operation ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard, at PNP Maritime Group.
Ayon kay Col. Xerxes Trinidad, Chief ng AFP Public Affairs Office, ang operasyon ay ginawa para mas pagtibayin ang sovereign rights ng Pilipinas sa mga Cays sa loob ng 12 nautical miles ng Pagasa Island sa West Philippine Sea.
Nilinaw din ni Trinidad na ang pagtaas ng bandila ng Pilipinas ay matibay na patunay na hindi totoo ang claim ng China Coast Guard na sila na ang may kontrol sa Pagasa Cay 2 sa WPS.
Tiniyak ng AFP na mananatili silang committed na protektahan ang soberenya ng bansa, alagaan ang maritime domain sa West Philippine Sea, at igiit ang karapatan ng Pilipinas ayon sa international laws.