
Pinanatili ng Court of Appeals (CA) ang hatol kay Police Officer 1 Jefrey Perez sa kasong torture at pagtatanim ng ebidensya laban kina Carl Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman. Ayon sa korte, “nawala ang kinabukasan ng dalawang bata” dahil sa sistemang dapat sana’y nagpoprotekta pero naging abusado. Tinawag nila itong malupit na katotohanan ng maling gawain ng ilang pulis.
Si Carl, 19 years old, ay honor student at nakapasok sa University of the Philippines. Si Kulot, 14 years old, ay nasa Grade 5 at tumutulong pa sa pamilya sa pamamagitan ng pagbebenta ng isda at pagtatrabaho sa construction. Huling nakita silang buhay kasama si Perez noong August 17, 2017, alas 10 ng gabi.
Sabi ng witness na si Arnold Perlada, nakita niyang naka-posas si Carl at sumisigaw ng “Susuko na po!” bago ito binaril ni Perez. Matapos iyon, tinanggal ang posas at nagpatuloy ang pamamaril. Pinilit ng depensa na may nangyaring robbery at shootout, pero hindi ito pinaniwalaan ng korte.
Tinanggihan ng CA ang apela ni Perez at pinatawan siya ng reclusion perpetua at life sentences na walang parole. Binawasan lang ng korte ang danyos mula ₱2 milyon sa ₱50,000 hanggang ₱75,000 para sa bawat pamilya ng biktima. Bukod pa rito, hindi na siya puwedeng magtrabaho sa government office kahit kailan.
Ang CA ay nag-iwan ng matinding paalala: “Ang katahimikan ng bayan ay hindi kailanman dapat ipalit sa buhay ng tao.” Sinabi rin nila na sana magsilbi itong buhay na patunay na kahit may mga problema ang sistema, may hustisya pa ring nakakamit sa tamang paraan.