
Naaresto ang vlogger na si Ronie Suan, na mas kilala bilang Boy Tapang, matapos umano niyang saktan ang kanyang live-in partner sa bahay nila sa Brgy. Daanlungsod, Alcoy, Cebu. Nangyari ang insidente noong Lunes, March 31, 2025, bandang 5:00 p.m.
Ayon sa Alcoy Police, si Suan ay 25 years old at ang kanyang partner ay 21 taong gulang. Nagpunta raw sa presinto ang babae para humingi ng tulong bandang 11:27 p.m., at sinabi niyang binugbog siya ni Suan.
Agad namang nag-responde ang mga pulis at inaresto si Suan ng 12:28 a.m. kinabukasan, April 1. Bago raw ang pananakit, nag-away sila dahil nahuling nagva-vape ang babae, bagay na ikinagalit ni Suan at nauwi sa pisikal na karahasan.
Kwento pa ng babae, hindi raw ito unang beses na sinaktan siya ni Suan. Madalas daw silang mag-away at ang dahilan, selos. Ayon kay Police Captain Jerry Magsayo, mukhang paulit-ulit na raw ang ganitong sitwasyon sa kanilang relasyon.
Si Suan ay kusa namang sumama sa mga pulis at hindi nanlaban. Nasampahan na siya ng kaso sa ilalim ng RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act. Pinayagan siyang pansamantalang makalaya matapos magpiyansa ng ₱3,000.