Isang 31-anyos na delivery rider ang naaresto noong Marso 15, 2025, sa Wawa Street, Alabang, Muntinlupa City dahil sa kasong homicide.
Ayon kay PLt. Michael Guanzon, officer-in-charge ng Warrant and Subpoena Section ng Parañaque City Police, nangyari ang krimen noong Nobyembre 2024 sa isang basketball court sa Barangay Marcelo Green, Parañaque City.
Sabi ni Guanzon, may dalawa pang kasama ang akusado noong mangyari ang insidente. Dayo lang umano sa lugar ang delivery rider at inimbitahan siya ng isa pang akusado.
Nagkaroon umano ng alitan habang magkahiwalay na nag-iinuman ang mga akusado at ang biktima.
Gamit ang four finger brass knuckle, sinuntok ng akusado ang biktima.
“Tatlo po sila, pinagtulungan nila yung biktima,” ani Guanzon.
Ngunit ayon kay Guanzon, tama ng bote ng alak sa ulo ang naging sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Ang ina ng biktima mismo ang nagsampa ng reklamo laban sa mga suspek.
Umamin ang delivery rider sa ginawa niyang pananakit ngunit depensa niya, gumanti lang siya dahil nasaktan din siya ng biktima.
Kasalukuyang nakakulong na ang akusado sa custodial facility unit ng Parañaque City Police, habang pinaghahanap na rin ng pulisya ang dalawa pang suspek.
Paalala ng pulisya na iwasan ang alitan o komprontasyon upang maiwasan ang gulo.
“Iwasan din po natin ang anumang ilegal na gawain at makipagtulungan sa mga awtoridad para maiwasan ang ganitong insidente,” dagdag ni Guanzon.