
Matagumpay na nailigtas ang siyam na estudyante at tatlong tripulante matapos masagip sa delikadong sitwasyon sa dagat sa Barangay Gumasa, Glan, Sarangani, noong Enero 24, Sabado.
Ayon sa ulat ng Coast Guard Eastern Sarangani, nagsasagawa ng marine biology fieldwork ang mga estudyante sa Sarangani Bay bilang bahagi ng kanilang thesis nang mangyari ang insidente. Kasama rin sa bangka ang tatlong crew ng MBCA GWEEN na nasagip din ng rescue team.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang bangka ay bumiyahe mula sa Lower Malok, Barangay Labangal, General Santos City, ngunit nakaranas ng sira sa makina at pinsala sa katig dahil sa maalong karagatan, dahilan upang humingi ng agarang tulong sa mga awtoridad.
Ang mga nailigtas ay dinala sa Horizon Beach Resort sa Barangay Gumasa kung saan isinailalim sila sa medical evaluation ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at napag-alamang nasa maayos na kalagayan.
Ang insidenteng ito ay nagpaalala sa kahalagahan ng kaligtasan sa dagat, lalo na sa mga estudyanteng nagsasagawa ng fieldwork sa maalong karagatan. Patuloy na pinapaigting ng Coast Guard ang kanilang rescue operations upang masiguro ang kaligtasan ng lahat sa Sarangani Bay.

