
Nanawagan ang PETA nitong Miyerkules na maging maingat sa paghawak ng hayop, lalo na sa mga sawa o ahas, matapos kumalat ang video ng isang pambihirang insidente sa Davao City.
Makikita sa viral na video ang isang dambuhalang sawa na hinila, pinaikot-ikot, at hinampas sa semento sa gitna ng kalsada, na nagdulot ng pagkabigla sa mga nakasaksi. Ayon sa PETA, ang ganitong pagtrato ay walang malasakit at labag sa tamang paraan ng pag-aalaga sa hayop.
“Horrified kami sa nakitang video kung saan ang sawa sa Davao ay hindi inalagaan kundi marahas na hinawakan,” sabi ng PETA sa kanilang pahayag. Dagdag pa nila, ang mga Philippine pythons ay kilala sa pagiging mahiyain at hindi mapanganib, kaya dapat silang tratuhin nang maingat at may respeto.
Anila, sana ay iparescue ito ng trained authorities at ibalik sa tamang tirahan upang maiwasan ang panganib sa parehong hayop at tao. Ang insidente ay naganap sa Brgy. Cabantian, kung saan napahinto ang trapiko sa kalsada dahil sa presensya ng ahas.
Sa video, makikitang walang takot hinila ng isang lalaki ang buntot ng sawa, pinaikot, at pinaghampas sa semento. Bagama’t hindi nanuklaw ang hayop, ang PETA ay nagbabala na dapat ang ganitong sitwasyon ay tugunan ng malasakit at propesyonal na pagrescue, hindi marahas na aksyon.




