
Ang isang babae ay namatay matapos siyang barilin sa batok ng isang 22-anyos na lalaki habang naglalakad sa Barangay Cupang, Antipolo, madaling-araw ng December 3. Kita sa CCTV ang pag-atake sa biktimang si Camille Espinar Gonzales, 22.
Ayon sa imbestigasyon, isang putok mula sa pen gun ang pumatay kay Camille. Sinabi ng suspek na inalok daw siya ng droga, at nang tumanggi siya ay minura umano siya ng biktima. Dagdag niya, nakainom daw siya dahil birthday ng kapatid niya.
Nakuha ng PNP ang ginamit na pen gun, isang improvised at illegal na baril. Ayon sa pulisya, nabili daw ito ng suspek sa halagang P250. Wala namang nakitang droga sa crime scene at patuloy pang inaalam kung may kaugnayan ito sa droga.
Labis ang hinagpis ng ina ng biktima na si Clarita Espinar, na nagsabing walang laban ang anak at hindi ito nagbebenta ng droga. Hiling niya ang hustisya para sa anak, lalo’t may maliit pa itong anak na naiwan.
Nakakulong na ang suspek at haharap sa kasong murder, habang inaaasikaso ng pamilya ang burol ni Camille.

