
Ang isang motorista sa Dagupan ay nakuhanan sa CCTV habang tumakas at iniwan ang kanyang mag-ina matapos siyang pahintuin ng isang traffic enforcer noong Miyerkoles ng gabi, Nobyembre 27, 2025.
Makikita sa video na pinapahinto ng enforcer ang driver, pero sa halip na huminto, bigla nitong pinaandar ang motor at mabilis na umalis. Naiwan naman sa kalsada ang babaeng backride at ang bata na kasama nito.
Agad na ini-report ng mga tao sa lugar ang insidente sa mga otoridad upang masuri at matukoy ang posibleng paglabag ng motorista.
Nakiusap ang LGU at Dagupan City Police sa publiko na kung may nakakakilala sa tumakas na motorista, agad itong ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan o opisyal na Facebook page.
Nagpaalala rin ang lokal na pamahalaan sa mga motorista na huwag tumakas sa mga traffic enforcer dahil bukod sa paglabag sa batas-trapiko, maaari rin itong magdulot ng aksidente at panganib sa ibang tao.




