
Ang mga manggagawa sa Eastern Visayas ay makakatanggap ng bagong dagdag-sahod, ayon sa National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Sinabi ng NWPC na ang bagong minimum wage sa rehiyon ay papalo mula P422 hanggang P452 simula Disyembre 8. Ang P422 ay para sa agriculture, cottage at handicraft, at service o retail establishments na may 10 workers pababa. Samantala, ang P452 ay para sa non-agriculture at service o retail establishments na may 11 workers pataas.
Ang bagong adjustment ay P17 dagdag kada araw mula sa dating P405 at P435. Pagsapit ng Hunyo 1, 2026, magkakaroon muli ng P18 increase, kaya magiging P440 at P470 ang arawang sahod depende sa sektor.
Kasama rin dito ang mga domestic workers, na makakakuha ng P400 increase, kaya ang kanilang buwanang sahod ay magiging P6,400 mula sa P6,000.
Ikinatuwa ito ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino Libanan, na sinabing malaking tulong ang dagdag-sahod para sa mga manggagawang hirap sa pagtaas ng presyo. Aniya, nagbibigay ito ng halaga sa karapatan ng mga manggagawa sa isang makatarungang sahod.




