
Ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay pansamantalang sinuspinde ang lahat ng field audits at ang pag-isyu ng Letters of Authority (LOA) matapos dumami ang reklamo ng umano’y abuso at korapsyon sa loob ng ahensiya. Ayon kay bagong BIR Commissioner Charlito Mendoza, walang LOA ang lalabas habang umiiral ang suspensyon bilang bahagi ng kanyang reform agenda.
Sinabi ni Mendoza na ang hakbang na ito ay may gabay ni Finance Secretary Frederick Go upang masiguro ang good governance, proteksyon sa taxpayers, at mas maayos na revenue administration. Tanging mga urgent o legal na kaso lamang ang hindi sakop ng suspensyon, kabilang ang criminal investigations at mga one-time transactions.
Kasama rin sa saklaw ng suspensyon ang audits sa nakalipas na anim na buwan, refund claims, at mga kaso mula sa intelligence reports. Nag-utos si Mendoza ng paggawa ng isang technical working group para siyasatin ang kahinaan sa sistema at gumawa ng mas malinaw at technology-driven na proseso para sa LOA.
Habang nagpapatuloy ang suspensyon, hinihimok naman ng ilang senador ang mas malalim na imbestigasyon dahil sa lumalaking alegasyon ng money-making scheme sa BIR. Si Sen. Erwin Tulfo ay naghain ng Senate Resolution 180 para imbestigahan ang umano’y paggamit ng LOA para mangikil sa mga negosyo—maliit man o malaki.
Inilahad ni Tulfo na may mga kaso kung saan binibigyan umano ng “discount” ang assessment ng ilang kumpanya kapalit ng kickback, at ilan sa mga opisyal ng BIR ang sangkot. Ayon sa kanya, naging mas matindi ang problema noong 2024 dahil sa pressure na maabot ang collection targets.




