
Ang 20 child laborers sa BARMM ay nailigtas, na-rehabilitate, at handa nang makabalik sa paaralan matapos makatanggap ng tig-P15,000 cash assistance at school supplies nitong weekend. Layunin ng pamahalaang Bangsamoro na tulungan silang makapag-aral muli sa ilalim ng Bangsamoro Child Labor Sagip Program (BCLSP).
Sampu sa mga batang ito ay mula sa Teduray communities sa South Upi, Maguindanao del Sur, habang ang iba ay mula sa Barangay Poblacion 9, Cotabato City. Ayon sa Ministry of Labor and Employment-BARMM, tutulungan sila ng mga opisyal upang makabalik sa eskwela at hindi na muling mapasok sa child labor.
Marami sa mga batang galing South Upi ang dati nang nagta-trabaho sa bukid, nagbebenta ng pagkain, o tumutulong sa palengke at terminal. Samantala, ang mga bata mula Cotabato City ay naghahanap-buhay sa pamamagitan ng pagkuha ng recyclable materials sa dumpsite para makatulong sa panggastos ng kanilang pamilya.
Ang BCLSP ay nakatuon din sa pagprotekta laban sa paggamit ng mga bata bilang combatants sa mga lugar na may rido, alitan sa lupa, at tensyon sa pulitika. Malaking suportang ibinigay dito ng International Labor Organization, mga LGU, at iba't ibang NGO na katuwang ng Bangsamoro government.
Ayon sa datos ng MoLE-BARMM, 691 child laborers at child combatants na ang kanilang nailigtas mula 2023, at halos lahat ay naibalik sa pag-aaral. Ang kanilang mga magulang ay ngayon ay may kabuhayan tulad ng mushroom growing, livestock-raising, at paggawa ng native delicacies sa tulong ng iba't ibang ahensya at partners.




