
Ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay nag-ulat ng malaking pagtaas sa kanilang kita sa unang siyam na buwan ng 2025. Umabot sa ₱14.32 bilyon ang net income nito, mas mataas ng 49% kumpara sa ₱9.63 bilyon noong nakaraang taon.
Ayon sa PAGCOR, umabot sa ₱84.09 bilyon ang kabuuang kita mula Enero hanggang Setyembre 2025, tumaas ng 5.87% mula ₱79.43 bilyon noong 2024. Mula rito, ₱75.93 bilyon ang galing sa gaming operations, habang ₱8.16 bilyon naman ang mula sa iba pang serbisyo at kita.
Kamakailan, iniulat ng isang opisyal ng PAGCOR ang pagbaba ng kita simula Agosto 2025 dahil sa paghihiwalay ng online gambling platforms sa mga e-wallet at pagbaba ng bilang ng mga bagong manlalaro.
Sa kabila nito, tumaas pa rin ng 11% ang kabuuang ambag ng PAGCOR sa nation-building na umabot sa ₱54.26 bilyon. Sa halagang ito, ₱36.06 bilyon ang napunta sa pambansang pamahalaan at ₱11 bilyon naman ang inilaan para sa mga proyektong pang-sosyal.
Kabilang sa mga nakatanggap ng pondo ay ang Philippine Sports Commission na may ₱1.80 bilyon, Renewable Energy Trust Fund na may ₱201.47 milyon, at Board of Claims na may ₱142.42 milyon.




