
Ang isang pulis na naka-assign sa Bacolod City Police Office ay kusang sumuko matapos aminin na siya ang pumatay sa isang single mom na napaulat na nawawala sa Bago City, Negros Occidental.
Ayon sa ulat ng pulisya, natagpuan noong Oktubre 29 ang isang inabandunang sasakyan na may bakas ng dugo sa Sitio So-ol, Barangay Gargato, Hinigaran. Kinalaunan, nakumpirmang ang sasakyan ay pag-aari ng 42-anyos na babae na naiulat na nawawala.
Noong Nobyembre 1, sumuko ang pangunahing suspek, isang police staff sergeant, at inamin ang kanyang pagkakasangkot sa pagkawala ng biktima. Sa kanyang pahayag, sinabi niyang nagkaroon sila ng pagtatalo sa loob ng sasakyan at dahil sa selos, “aksidente” raw niyang nabaril ang babae na umano’y kanyang kasintahan.
Matapos ang pag-amin, nagsagawa ng operasyon ang mga imbestigador at Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa Hinigaran. Sa tulong ng suspek, natagpuan nila sa isang liblib na lugar ang bangkay ng biktima na doon umano itinago.
Kinasuhan na ng murder ang naturang pulis. Tiniyak ng pamunuan ng PNP na magiging patas at bukas sa publiko ang imbestigasyon. Nagpahayag din sila ng pakikiramay sa pamilya ng biktima at tiniyak na makakamit ang hustisya.
			
		    

