
Ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang madalas atakihin ng mga Chinese hackers ngayong 2025, ayon sa bagong ulat ng Microsoft. Apektado ang mga sektor tulad ng IT, gobyerno, at edukasyon, na naging pokus ng cyber espionage sa buong Southeast Asia.
Sa ulat na Digital Defense Report 2025, nasa ika-anim na pwesto ang Pilipinas sa mga bansang madalas targetin ng mga Chinese cyber group. Nangunguna ang Estados Unidos, sinundan ng Thailand, Taiwan, Korea, at Japan.
Ayon sa ulat, layunin ng mga hacker na makuha ang mga impormasyon at data mula sa mga internet providers, telecommunication companies, ahensya ng gobyerno, at depensa militar. Noong 2024, ginamit din nila ang cyber attacks para mangolekta ng impormasyon at maimpluwensyahan ang mga halalan sa iba’t ibang bansa.
Ipinakita rin ng ulat na tumaas ng 32% ang mga identity-based attacks sa buong mundo, at kabilang ang Pilipinas sa mga bansang tinamaan ng Lumma Stealer, isang uri ng malware na ginagamit sa pagnanakaw ng data. Maraming ospital, lokal na pamahalaan, at paaralan ang nananatiling mahina dahil sa kulang sa budget at lumang sistema.
Ayon kay Peter Maquera, CEO ng Microsoft Philippines, panahon na para gawing pambansang prioridad ang cybersecurity. Pinayuhan niya ang mga kumpanya na gumamit ng multi-factor authentication upang maprotektahan ang kanilang mga system laban sa mga hacker.




