
Ang matinding apoy at makapal na usok ang tumupok sa isang bahay sa Barangay Nuevo, Iloco, Mawab, Davao de Oro nitong Huwebes ng hapon. Kita sa video na tinutulungan ng mga residente na iligtas ang isang tricycle mula sa nasusunog na bahay.
Isang lalaki, edad 40, ang nagtamo ng matinding paso sa katawan. Agad siyang isinugod sa ospital ngunit hindi na ito nakaligtas dahil sa third-degree burns.
Base sa imbestigasyon ng Mawab Municipal Fire Station, ang nasawi rin ang responsable sa pagsunog ng kanyang bahay. Ayon kay SFO2 Alvin Hubiera, nakita nila na binuksan ng lalaki ang LPG sa kwarto at binuhusan ng gasolina ang sala at iba pang parte ng bahay bago sindihan.
Sinubukan pa umano ng lalaki na tumakas pero tinamaan din siya ng apoy. Ayon sa mga kapitbahay at asawa, bago mangyari ang sunog ay nag-away umano sila dahil sa matinding selos.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang buong insidente, ngunit malinaw na selos sa asawa ang dahilan ng trahedya na nagdulot ng kanyang kamatayan.




