
Ang dating Ombudsman na si Samuel Martires ay nagsabing matagal nang ibinasura ang dismissal order laban kay Senador Joel Villanueva noong 2019. Ito ay kaugnay ng umano’y maling paggamit ng PDAF o pork barrel funds noong 2008, habang siya pa ay kongresista.
Ayon kay Martires, pinagbigyan niya ang motion for reconsideration ni Villanueva para baligtarin ang desisyon ng Ombudsman noong 2016. Ipinakita rin ng senador ang bahagi ng desisyon na nagsasabing walang probable cause at peke ang mga pirma na ginamit laban sa kanya.
Ibinahagi din ni Villanueva ang mga kopya ng clearance mula sa Ombudsman at Sandiganbayan na nagpapatunay na wala siyang kasong kriminal o administratibo. Aniya, inihanda niya ito para labanan ang mga nagkakalat ng fake news at paninira.
Noong 2016, iniutos ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagtanggal kay Villanueva sa serbisyo, ngunit sinabi ng mga legal adviser ng Senado na walang kapangyarihan ang Ombudsman na magpatalsik ng mambabatas. Tanging Senado lang ang may karapatang magpasya sa mga kasong tulad nito.
Sa huli, sinabi ni Villanueva na nakakagalit at nakakalungkot ang mga maling balita, ngunit nananatili siyang nagtitiwala sa batas at sa katotohanan.




