Ang cargo plane mula United Arab Emirates ay bumangga sa sasakyan habang lumalapag sa Hong Kong International Airport nitong Lunes ng madaling araw. Dahil sa impact, ang eroplano ay lumihis sa runway at tuluyang bumulusok sa dagat.
Ayon sa Civil Aviation Department, apat na tripulante ang nasagip at dinala sa ospital. Dalawang ground crew naman ang nahulog sa dagat; isa ang namatay sa lugar habang ang isa ay binawian ng buhay matapos isugod sa ospital.
Ang insidente ay naganap bandang 3:50 ng madaling araw. Makikita sa mga larawan ang eroplano na halos kalahati ay nakalubog sa tubig, may malaking bitak, at nakabukas ang emergency slide.
Dahil dito, pansamantalang isinara ang north runway ng paliparan habang nagpapatuloy ang operasyon sa iba pang runway. Tinatayang nasa ₱1.04 trilyon ang nagastos sa pagpapalawak ng paliparan, kabilang ang bagong runway na binuksan noong nakaraang taon.
Nagpahayag ng pag-aalala ang Transport and Logistics Bureau at tiniyak na sisiyasatin ng Air Accident Investigation Authority ang sanhi ng aksidente. Samantala, ilang cargo flights ang nakansela ngunit nanatiling normal ang biyahe ng mga pasaherong eroplano.