
Ang Mayors for Good Governance (M4GG) ay naglunsad ng anti-corruption hotline at online portal para sa mga mamamayan na gustong magsumbong ng anomalya sa mga infrastructure projects, tulad ng substandard works at overpriced na proyekto.
Simula Oktubre 16, maaaring tumawag ang publiko sa numerong 8459-0143 mula Lunes hanggang Biyernes, 9:00 a.m. hanggang 4:00 p.m. Maaari ring magsumite ng ulat online sa “Report INFRA” portal, kung saan ilalagay ang pangalan ng proyekto, uri ng anomalya, at lokasyon nito.
May nakahandang technical at legal team ang M4GG na magsusuri ng mga sumbong at ipapasa ang kumpirmadong impormasyon sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, “Kailangan natin ng mga whistleblower para mailantad ang korapsyon. Kung gusto natin ng tunay na pagbabago, dapat lahat ay makiisa.” Dagdag pa ni Baguio City Mayor Benjie Magalong, malaki ang problema ng korapsyon at kailangan ang tulong ng mamamayan para makakalap ng ebidensya.
Kamakailan, humiling ang M4GG ng access sa National Expenditure Program (NEP) at General Appropriations Act (GAA) mula 2023 hanggang 2025, kasama ang mga tala ng pondo para sa imprastraktura at social services, upang masiguro ang transparency at accountability.