
Ang Phivolcs ay nagbabala na mas tumataas ang posibilidad ng 'Big One' na lindol sa Metro Manila habang papalapit ang taong 2058. Ayon kay Director Teresito Bacolcol, hindi puwedeng hulaan ang eksaktong oras ng lindol, pero may recurrence interval o pagitan ng mga malalaking paggalaw ng West Valley Fault.
Ang 'Big One' ay inaasahang 7.2 magnitude earthquake na posibleng magdulot ng malawak na pinsala sa mga lungsod ng Quezon City, Marikina, Pasig, Makati, Taguig, at Muntinlupa, pati na rin sa Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna. Huling gumalaw ang West Valley Fault noong taong 1658. Base sa pagitan nitong 400 hanggang 600 taon, posibleng mangyari muli ang malakas na lindol bago o lampas ng 2058.
Ipinaliwanag ni Bacolcol na habang lumalapit ang 2058, mas lumalaki ang tsansa na mangyari ang lindol. Ngunit may uncertainty o hindi kasiguruhan, kaya puwedeng mangyari ito mas maaga o mas huli pa. Kaya’t patuloy ang paalala na maging handa ang lahat.
Dagdag pa niya, normal lang ang mga sunod-sunod na lindol dahil mayroong 180 active fault segments at 6 active trenches sa bansa. Sa karaniwan, may 30 lindol na naitatala kada araw, pero karamihan dito ay hindi nararamdaman. Ang mga malalakas na lindol sa La Union, Cebu, Zambales, at Davao Oriental ay galing sa magkaibang faults at trenches.
Payo ni Bacolcol, alamin ang mga hazard at evacuation areas sa inyong lugar upang maging handa kung sakaling mangyari ang malakas na lindol. Ang paghahanda ngayon ay makakapagligtas ng maraming buhay at ari-arian na maaaring umabot ng bilyong piso ang halaga ng pinsala.