Ang aktres na si Nadine Lustre ay inaming hindi pa siya handa maging nanay. Ayon kay Nadine, nakakatakot ang malaking responsibilidad na ito lalo na’t matagal na siyang nakatutok sa kanyang career.
Sinabi niya na mas pinapahalagahan niya ngayon ang kanyang acting career, ang relasyon nila ng boyfriend na si Christophe Bariou, at ang kanilang negosyo gaya ng sariling coconut milk brand. Aniya, saludo siya sa lahat ng mga nanay dahil sa bigat ng responsibilidad na kanilang ginagampanan.
Kasabay nito, abala rin si Nadine sa pelikulang “Call Me Mother” kung saan gaganap siyang isang beauty queen. Naglaan siya ng oras para sa research at ilang araw ng training para mas mailapit sa totoong beauty queen ang kanyang karakter.
Ibinahagi niya na pinakamahirap sa kanyang role ang pananatiling tuwid ang postura tuwing nasa set siya. Nakasanayan kasi niyang medyo nakayuko, pero para sa pelikula kailangan niyang magpakita ng beauty queen posture, bagay na malaking hamon para sa kanya.