
Ang pulisya ay nakahuli ng isang lalaki na kabilang umano sa grupong sangkot sa bentahan ng ilegal na baril sa isang buy-bust operation sa Barangay Tunasan, Muntinlupa City. Ayon sa Southern Police District (SPD), ang mga parokyano ng grupo ay kabilang sa mga sindikatong sangkot sa pagnanakaw at ilegal na droga sa timog Metro Manila.
Nakunan ng video ang suspek na kilala sa alyas "Cris", habang tinatanggap ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na bibili. Pagkatapos ay agad siyang inaresto ng mga operatiba. Naganap ang transaksyon sa isang bahay na pagmamay-ari ng kakilala ng suspek.
Nasamsam mula kay Cris ang isang caliber .45 pistol na ibinebenta niya umano sa halagang ₱20,000. Una niyang itinanggi ang kaso ngunit kalaunan ay umamin na sangkot siya sa transaksyon, bagaman iginiit na iyon ang unang beses niya.
Ayon kay Brig. Gen. Randy Arceo, direktor ng SPD, ang mga baril na ibinebenta ng grupo ay posibleng magamit ng mga sangkot sa krimen at droga. Ang tunay na target ng operasyon ay ang alyas "Ace", kasamahan ng suspek at sangkot umano sa isang pamamaril sa Barangay Bayanan, ngunit nakatakas ito. Kasalukuyang nasa kustodiya ng SPD-District Special Operations Unit ang suspek at kakasuhan sa paglabag sa Republic Act 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.