
Ang grupo ng mga empleyado sa BPO sa Cebu ay nag-file ng reklamo sa DOLE laban sa mahigit 10 BPO companies matapos ang malakas na 6.9 magnitude na lindol sa Bogo City.
Ayon sa BPO Industry Employees' Network (BIEN) Cebu, daan-daang empleyado ang nagpadala ng reklamo. May mga agents na pinilit pa ring sumagot ng calls habang lumilindol at ilan ay naharang ang daan palabas ng kanilang opisina.
Idinagdag pa ng grupo na may mga empleyadong tumangging pumasok para unahin ang kanilang kaligtasan at pamilya, ngunit binigyan ng notice to explain, sanction, at bawas sa incentives bilang parusa.
Hiniling ng BIEN sa DOLE na imbestigahan ang mga kumpanya dahil sa paglabag sa Occupational Safety and Health Standards at sa Republic Act 11058 na nag-uutos na gawing ligtas ang mga lugar ng trabaho.
Sa datos ng Phivolcs, umabot na sa 72 ang namatay sa Cebu earthquake habang halos 2,800 aftershocks ang naitala, kung saan 14 lang ang naramdaman.