Ang Asus ay naglunsad ng Expert Series laptops at desktops sa Taguig at layong maging No.1 brand sa commercial PC market sa Pilipinas sa loob ng tatlong taon. Ayon kay Rex Lee, Corporate VP ng Asus, gagamitin nila ang tagumpay sa consumer at gaming market para makalaban ang malalaking brands na Dell, HP, at Lenovo.
Sa event, ipinakita ng Asus ang tibay at durability ng kanilang ExpertBook laptops. Isinailalim ang mga ito sa matitinding demo: pagbagsak mula 3 talampakan, pagbuhos ng tubig sa keyboard, pagbitbit ng 8kg kettlebell gamit ang USB port, at pagtapak sa screen. Kahit sa ganitong sitwasyon, gumana pa rin nang maayos ang mga laptop.
Ayon kay Francis Avila, Commercial Business Head ng Asus Philippines, ang Expert Series ay overengineered at pumasa sa mas maraming US Military Grade MIL-STD-810H tests kumpara sa ibang brand. Dagdag pa niya, “Hindi lang performance ang focus namin, kundi pati tibay.”
May dalawang linya ang Asus Expert Series: ang P Series para sa business users at SMEs, at ang B Series para sa enterprises at IT professionals. Gawa ito sa magnesium alloy, may reinforced hinges at ports, at pwedeng i-configure ng hanggang 64GB DDR5 RAM.
Sa presyo, ang mga laptop ay aabot sa ₱85,000 pataas depende sa specs tulad ng Intel Core Ultra 7 processor, 32GB memory, at 1TB storage. Layunin ng Asus na mas mapaabot ito sa mga negosyo at organisasyon sa bansa.