
Ang buy-bust operation sa Barangay Bolbok, Batangas City noong Lunes ng gabi ay nauwi sa barilan na nagresulta sa pagkasugat ng tatlong pulis.
Sugatan ang isang police major at dalawang staff sergeant matapos paputukan ng mga suspek dakong alas-10 ng gabi. Target ng operasyon ang isang lalaking kilala sa alyas na “Bonsai”, na sangkot umano sa pagbebenta at pag-iingat ng hindi rehistradong baril.
Agad na dinala sa Saint Camillus de Lillis Hospital ang mga sugatang pulis para gamutin. Samantala, naglunsad ng dragnet operation at nag-deploy ng forensic unit upang siyasatin ang lugar.
Tuloy ang paghahabol at clearing operations hanggang madaling araw ng Martes, pero pansamantalang itinigil para sa muling pagpaplano.
Wala pang inilalabas na update ang mga awtoridad tungkol sa kalagayan ng mga sugatang pulis at sa kasalukuyang manhunt laban sa mga suspek.
			
		    



