
Ang Pilipinas ay muling nakakuha ng Tier 1 ranking sa 2025 Trafficking in Persons (TIP) Report ng Estados Unidos, ika-10 sunod na taon. Ito ay dahil sa tuloy-tuloy na laban ng gobyerno laban sa human trafficking.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), malaking tulong ang mga operasyon laban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO). Sa mga raid at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya, napatunayan ang buong suporta ng bansa sa pagprotekta laban sa human rights violations.
Pinuri ng TIP Report ang Pilipinas sa mas maraming imbestigasyon, kaso at hatol laban sa human traffickers, kabilang na ang ilang tiwaling opisyal. Binanggit din ang hakbang ng gobyerno sa pagpigil ng malakihang human trafficking sa online scam operations at sa pag-ban ng POGO licenses.
Gayunpaman, binigyang-diin ng ulat na hindi pa sapat ang hakbang para maiwasan ang pagpaparusa sa mga biktima ng trafficking. Nanatili rin ang isyu ng korapsyon at pakikipagsabwatan ng ilang opisyal na pumipigil sa mabilis na aksyon ng batas.
Naglaan ang Pagcor ng ₱50 milyon para sa deportasyon ng mga illegal POGO workers. Tiniyak ng DOJ na magpapatuloy ang laban upang tulungan ang mga Pilipinong mahina, naaabuso at nae-exploit.